DAGUPAN CITY- Nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 sa mga establishimento ng Vape Shops hinggil sa pagbebenta ng di umano’y vape na may halong cannabis.

Ito ay matapos lumabas ang bali-balitang pagbebenta nito sa Brgy. Bonuan Binloc, sa syudad ng Dagupan subalit, napag-alaman ng mga awtoridad na walang pawang katotohanan at tsismis lamang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Benjamin Gaspi, Director ng nasabing ahensya, aniya, ang mahuhuling nagbebenta ng vape na may halong cannabis ay maaaring maharap sa kasong pagbebenta ng illegal na droga o paglabag sa Republic Act No. 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

--Ads--

Ito ay may katumbas na life imprisonment o higit 40 taon pagkakakulong.

Habang ang mahuhuling gumagamit nito ay maaari naman maharap sa kasong paglabag sa Section 11 at 15 ng RA 9165.

Ito ay may mas mababang kaparusahan at sasailalim ng rehabilitation sa loob ng 6 na buwan.

At kung mahuling ito sa ikalawang pagkakataon, makukulong na ito na tumatagal ng 6-12 taon.

Ani Gaspi, hindi rin pinapalampas ang mga menor de edad na nasasangkot sa ganitong aktibidad at pinapatawan ng karamptang kaparusahan.