Pinapaigting ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Pangasinan at ng Highway Patrol Group o HPG ang kanilang ugnayan para sa nagpapatuloy na kampanya kontra sa iligal na droga.
Sa katunayan, nagkaroon ng pagkikita at pagpupulong sa pagitan ng mga opisyal ng mga nabanggit na ahensiya para talakayin ang mga hakbang upang mas mapagbuti pa ang kanilang ugnayan at pagtutulungan sa pagsawata ng problema ng iligal na droga sa lalawigan ng Pangasinan at sa iba pang mga lugar.
Partikular na bumisita sa tanggapan ng PDEA Pangasinan sa siyudad ng Dagupan sina Pol. Maj. Juanito Guinid Jr. at Pol. Senior Master Sargeant John Sison ng Highway Patrol Group (HPG) Pangasinan, kung saan sila ay hinarap naman at kinausap ni PDEA Pangasinan Team Leader Rechie Camacho.
Kabilang naman sa mga napag-usapan ang ilan sa mga pamamaraan kung papaano nila mapagtitibay at mapapabilis ang ugnayan para sa mas epektibong mga operasyon kontra sa iligal na droga, lalo na at mayroong mahalagang papel ang dalawang tanggapan para sa matagumpay na pagsugpo sa problema ng iligal na droga.