Nagsasagawa pa ng backtracking investigation at follow up operation ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasunod ng pagkakahuli ng dalawang indibidwal na nagresulta sa pagkakumpiska ng P850-milyong halaga ng hinihinalang shabu sa bayan ng Bugallon, Pangasinan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Frederick Calulut, Spokesperson ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Central Office umabot sa 125 kilo na droga ang nakumpiska na nakalagay sa loob ng isang plastic bags.
Kinilala naman ang 40-anyos na suspek na napag-alamang isang Chinese national at residente ng Paliparan 3 sa lungsod ng Cavite kasama nito ang 54-anyos na si alyas “Gardo” na residente ng Mampang, Zamboanga City sa Zamboanga Del Sur.
Ayon kay Calulut, ang pagkakaaresto sa mga suspek ay resulta ng ilang araw na pagmamanman sa mga ito katuwang ang hanay ng kapulisan, National Intelligence Coordinating Agency (NICA); at Armed Forces of the Philippines (AFP) Counterintelligence Group.
Lumalabas din sa imbestigasyon na ang dalawang ito ay mismong ang mga source pala ng mga naaarestong indibiduwal na nagbebenta rin ng bultu – bultuhang volume ng shabu.
Inaalam naman nila ngayon kung saan naman nanggagaling ang ipinapasa nilang droga sa ibat ibang drug personalities.