Nagsagawa ng oplan on the spot drug test operation ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) katuwang ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police (PNP), Highway Patrol Group (HPG), at mga lokal na pamahalaan sa Centennial Terminal sa bayan ng Vigan, Ilocos Sur.
Ayon kay Atty. Benjamin Gaspi, PDEA Director Region 1, mahigit 70 driver at konduktor ng pampasaherong sasakyan, kabilang ang mga tsuper ng bus, jeepney at mga galing sa garahe, ang boluntaryong sumailalim sa drug test.
Layunin ng operasyon na matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at maiwasan ang mga aksidenteng dulot ng paggamit ng ilegal na droga ng mga tsuper.
Saad ni Gaspi, mayroong dalawang nag-positibo sa isinagawang drug test; isang driver at isang konduktor.
Ang mga nagpositibo ay sasailalim sa tamang interbensyon at rehabilitasyon sa ilalim ng pangangasiwa ng municipal health office. Ang kanilang mga lisensya ay ipinasakamay sa kinatawan ng LTO para sa kaukulang kasong administratibo.
Isinasagawa ang OPlan on the sport drug testing program sa lahat ng 17 rehiyon ng bansa, lalo na tuwing mga mahabang bakasyon gaya ng Semana Santa at kapaskuhan.
Kabilang din sa operasyon ang paggamit ng canine units para sa inspeksyon ng mga kargamento ng pampublikong sasakyang upang matiyak na walang iligal na droga ang naipapasok.
Nanawagan ang PDEA sa lahat ng driver at konduktor ng pampasaherong sasakyan na iwasan ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot upang mapanatili ang kaligtasan sa kalsada at kapakanan ng mga mamamayan.










