DAGUPAN CITY- Pormal nang nanumpa si PCol. Orly Pagaduan bilang kauna-unahang City Director ng PNP Dagupan ngayong araw kapalit ni Outgoing chief, Pltcol Lawrence Keith Calub.
Sa kanyang pormal na panunumpa ngayong araw bilang bagong Officer-in-Charge ng Dagupan City Police Office, ipinahayag ni PCOL Orly Z. Pagaduan ang kahalagahan ng pagkakatalaga ng lungsod bilang full-fledged city police office isang opisyal na pagkilalang magbibigay ng mas maraming resources, personnel para mapalawak ang serbisyo ng kapulisan sa lungsod.
Kabilang sa mga pangunahing plano ng kanyang liderato ang pagtatatag ng mas maraming police stations at substations, lalo na sa mga barangay na malayo sa kasalukuyang headquarters.
Dagdag pa niya, kabilang sa kanyang pangunahing adbokasiya ang paglilinis ng lungsod sa iligal na droga sa pamamagitan ng data-driven policing at mga programang direktang nakaayon sa pangangailangan ng mga residente.
Samantala, nagpaalam naman si PLTCOL Lawrence Keith Calub bilang outgoing chief.
Bagama’t maiksi lamang ang kanyang panunungkulan 77 araw inilahad niya ang mga naging tagumpay ng kanyang pamumuno kung saan nakapag aresto sila ng nasa 30 sangkot sa illegal na droga, kasunod ng ilan pang naaresto na may issue ng warrant of arrest.
Ibinahagi rin ni Calub ang Isa sa mga hamon na kanyang hinarap ay ang limitadong kagamitan gaya ng kulang na sasakyan at communication equipment, na nakaapekto sa pagtugon sa mga insidente.
Ngunit, Sa tulong ng lokal na pamahalaan, unti-unti itong naresolba, na nagresulta sa mas mabilis na police response.
Ang turnover ceremony ay pinangunahan ng Regional Director ng Police Regional Office 1, PBGEN Dindo Reyes, kung saan pormal na inilipat ang pamumuno kay Col. Pagaduan.
Sa ilalim ng bagong liderato, tiniyak ni Pagaduan na mas paiigtingin ang kampanya laban sa droga, at pagsugpo sa krimen sa buong Lungsod.