Dagupan City – Umaabot na sa humigit kumulang 60,000 claims ng mga magsasaka ang kasalukuyang pinoproseso ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) Regional Office 1.

Kabilang dito ang mga magsasakang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo tulad ng Emong, Nando, at Uwan.

Ayon kay Regional Manager Raul Servito, puspusan ang kanilang ginagawang pagtatrabaho upang matapos ang lahat ng claims bago matapos ang taon.

--Ads--

Sakop ng kanilang opisina ang Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, pati na rin ang ilang probinsya sa Cordillera tulad ng Benguet, Abra, at Mountain Province, kaya’t marami ang kanilang inaasikaso.

Dagdag pa niya, na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PCIC sa mga lokal na pamahalaan at mga organisasyon ng magsasaka upang mapabilis ang pamamahagi ng indemnity check.

Ibinahagi rin niya na unti-unti nang nababawasan ang bilang ng mga magsasakang nabibigyan ng insurance claim sa kanilang pananim, kung saan ang pinakamaraming naapektuhan ay noong Bagyong Nando, at nasa 30% pa lamang ng mga ito ang nabibigyan.

Sa kasalukuyan, mahigit 150,000 umano ang mga magsasaka ang nakarehistro o naka-insured sa kanilang opisina.

Hinihimok naman ni Servito ang mga magsasaka na magsumite ng kanilang mga dokumento sa lalong madaling panahon upang mapabilis ang pagproseso ng kanilang claims.

Samantala, sa pamamagitan ng insurance program ng PCIC, inaasahang makakabangon ang mga magsasaka mula sa pagkalugi dulot ng mga natural na kalamidad at iba pang sakuna.