Nagpapatuloy ang pagproseso ng Philippine Crop Insurance Company (PCIC) Region 1 para sa mga indemnity cheque ng mga magsasaka na naapektuhan at nasalanta ng mga nagdaang bagyo sa rehiyon.
Ayon kay Raul Servito, Regional Manager ng PCIC, umabot sa 70,000 farmers ang nag-file ng claim noong nakaraang taon kasama na ang mga magsasaka mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) gaya ng Abra, Benguet at Mountain Province.
Ipinaliwanag ni Servito na natagalan ang pamamahagi ng cheque dahil sa dami ng mga nag-file ng claim at dahil ang average parcel ng isang farmer sa Region 1 ay tatlo, kaya umabot sa 210,000 claims ang kanilang pinoproseso.
Sa kabila nito, sinabi ni Servito na nagkaroon na sila ng pamamahagi noong nakaraang taon ngunit ipinagpapatuloy parin hanggang ngayong taon.
Aniya na mula sa buwan ng Enero ngayong taon nakapag-release na sila ng mga cheque na nagkakahalaga ng P24.7 milyon para sa 2,511 farmers sa Eastern at Central Pangasinan.
Nakapagpamahagi rin sila ng P11 milyon sa 258 farmers at fisher folk sa unang Distrito ng Pangasinan, kung saan ang pinakamarami ay mula sa Dasol.
Nakatakda rin silang mamahagi ng mga cheque sa Ilocos Norte sa third week ng Pebrero, na may kabuuang P31.83 milyon para sa 3,274 farmers at fisher folk.
Uunahin nilang bigyan ang mga magsasaka na nasiraan ng mga pananim na niyog sa Pagudpod at Adam dahil sa Bagyong Uwan.
Humingi rin ng pang-unawa si Servito sa mga magsasaka at mangingisda dahil sa pagkatagal ng pamamahagi ng cheque.
Tiniyak niya na patuloy silang nagsusumikap upang maibigay ang nararapat na tulong sa mga nasalanta ng bagyo.










