Nanawagan ng tulong ang Philippine Coast Guard (PCG) sa publiko para sa impormasyon na makatutulong sa paghahanap sa isang 80-anyos na lalaki na nawawala matapos sumakay ng ferry mula Batangas patungong Oriental Mindoro.

Kinilala ng Coast Guard ang nawawalang pasahero na si Petronilo “Nilo” Mendiola Aranda, 80-anyos, at residente ng Barangay Loob, Mataas na Kahoy, Batangas.

Ayon sa PCG, nakumpirma ng Coast Guard Sub-Station Batangas City na kabilang si Aranda sa passenger manifest ng MV FastCat M19, na umalis sa Batangas Port patungong Calapan City, Oriental Mindoro noong Hulyo 29.

--Ads--

Inilarawan si Aranda na may taas na humigit-kumulang 5 feet 3 inches. Huli siyang nakitang nakasuot ng itim na Hollister cap, abong polo shirt, asul na maong, at itim na sapatos.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Coast Guard sa mga lokal na awtoridad at iba pang ahensya ng gobyerno upang matukoy ang kinaroroonan ng senior citizen at mabigyan ng kaukulang tulong ang kanyang pamilya.

Nanawagan naman ang PCG sa sinumang may impormasyon tungkol kay Aranda na agad makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Coast Guard station o sa mga lokal na awtoridad. Via Bombo John Florez