Pormal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang ₱6.352-trillion national budget para sa 2025 ngayong araw, Disyembre 30, 2024.

Ito’y matapos na pumirma si Marcos sa Ceremonial Hall sa Malacañang Palace matapos ang programa para sa paggunita ng “Rizal Day.”

Dahil dito, ganap nang maisasabatas ang General Appropriations Act (GAA) for Fiscal Year (FY) 2025. Sa bahagi umano ng kaniyang talumpati, sinabi ni Marcos na inatasan niya ang pag-veto sa mahigit ₱194 billion halaga ng line items na hindi umano naka-align sa mga prayoridad na programa ng kaniyang administrasyon.

--Ads--

Ayon naman sa Presidential Communications Office (PCO), nagsisilbi ang Republic Act (RA) No. 12116 o ‘An Act Appropriating Funds for the Operation of the Government of the Republic of the Philippines mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2025’ sa “commitment” ng administrasyong Marcos para sa economic growth at social development.

Matatandaang na noong Disyembre 20, ipagpaliban ni Marcos ang paglagda sa panukalang budget dahil sisiyasatin at pag-aaralan pa aniya nila ito.

Kaugnay nito, noong Disyembre 16 nang ipinahayag ng pangulo na tinitingnan niyang ibalik ang tinapyas na sa ₱10 bilyon sa budget ng Department of Education (DepEd) para sa 2025.

Sa kabila nito, kinatwiranan ng pangulo ang naging desisyon ng Kongreso na bigyan ng “zero subsidy” ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa 2025, at binigyang diin na sapat naman umano ang pondo ng ahensya.