Screenshot

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang gala dinner sa Malacañang bilang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia (TAC).

Bilang Chair ng ASEAN ngayong 2026, pinangunahan ng Pilipinas ang paggunita sa kasunduang nagsusulong ng kapayapaan, kooperasyon, at paggalang sa isa’t isa mula pa noong 1976.

Sa araw ding iyon, sumali sa kasunduan ang Sweden, Poland, Romania, at Lithuania, kaya umabot na sa 62 ang mga bansang kasapi.

--Ads--

Sa kanyang talumpati, inihalintulad ni Pangulong Marcos ang diplomasya sa tradisyong Pilipino ng hapag-kainan, kung saan nagkakasama-sama ang mga tao upang mag-usap at magkaunawaan.

Aniya, tulad ng mga pamilyang nagkakabuklod sa hapag, ang mga lider ay nakakamit ang kapayapaan sa pamamagitan ng pag-uusap at pagtutulungan.

Binalikan din niya ang kasaysayan ng TAC at binanggit na kabilang ang kanyang ama, dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, sa mga lumagda sa kasunduan noong 1976.

Ayon sa Pangulo, ang TAC ay sumisimbolo ng tiwala sa kinabukasan ng Timog-Silangang Asya sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga bansa.Iniugnay rin niya ang diwa ng kasunduan sa bayanihan, na nagpapakita ng pagtutulungan at pagkakaisa ng mga Pilipino.

Bilang bahagi ng pagdiriwang, inilunsad ng Pilipinas ang isang commemorative postage stamp at isang logo na inspirasyon ng sampaguita bilang simbolo ng 50 taon ng kapayapaan.

Sa pagtatapos ng programa, hinimok ni Pangulong Marcos ang mga lider na patuloy na isabuhay ang mga pagpapahalaga ng TAC sa pamamagitan ng pagtitiwala, pag-uusap, at pagkakaisa.