DAGUPAN CITY – Mananatiling abala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ikatlong araw ng State visit nito sa India.
Magsisimula ang araw ng Pangulo sa pamamagitan ng CEO roundtable meeting kasama ang ilang matataas na opisyal ng mga negosyante sa New Dehli.
Kasama rin sa mga nakalinyang aktibidad ng Pangulo ay ang gagawing pakikipanayam sa kanya ng isang Indian Media Personality na si Bb Palki Sharma ng First Post.
Pagdating naman ng alas sais nang gabi ay magbibigay ng kanyang Foreign Policy Address ang Pangulo na inorganisa ng Observer Research Foundation.
Samantala, 13 bilateral agreements ang napirmahan sa ikalawang araw ng state visit ng pangulo sa nasabing bansa.
Bukod dito, nagkasundo sina Pangulong Marcos Jr. at Prime Minister Narendra Modi na pataasin pa ang lebel ng kolaborasyon ng Pilipinas at India sa larangan ng depensa at seguridad.
Ayon sa pangulo, nagkasundo sila ng Punong Ministro na dapat samahan ng mas pinaigting na diyalogo sa pagitan ng mga institusyong pangdepensa ng India at Pilipinas.
Dagdag pa ng Pangulo, napagkasunduan nilang magkaruon ng mekanismo para sa pagbabahagi ng impormasyon at palitan ng pagsasanay sa pagitan ng sandatahang lakas ng dalawang bansa.
Palalalimin din ng Pilipinas at India ang ugnayan at kakayahang magka-operate ng Hukbong Dagat at Coast Guard sa pamamagitan ng mga pagbisita sa daungan, cooperative activities at pagpapalakas ng kakayahan sa larangang pandagat.