Dagupan City – Mariing kinondena ni Angelo Tejoso, Coordinator ng Kabataan Partylist-Pangasinan, ang diumano’y korapsyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte.
Iginiit ng grupo na ang dalawang lider ay maituturing na “uniteam” sa korapsyon at nangakong hindi titigil sa panawagang pagbibitiw ng mga ito.
Ayon kay Tejoso, hindi sila mapapagod sa kanilang paglaban sa korapsyon at sa kanilang panawagan sa pagbibitiw, dahil ito ay kanilang demokratikong karapatan.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng naging deklarasyon ng Pangulo na tatapusin niya ang kanyang termino hanggang Mayo 30, 2028, at hindi siya magbibitiw sa pwesto.
Bukod pa rito, binanggit ni Tejoso na si Pangulong Marcos Jr. ay mahilig umatake sa mga kalaban sa pulitika, partikular na ang kampo ni Duterte, ngunit iginiit nito na pareho silang naging bahagi ng “uniteam” na nagpakalat ngayon ng korapsyon sa gobyerno.
Saad niya na kung titignan talaga natin aniya na sa umpisa palang uniteam pumasok ang dalawang, uniteam sila ng kampanya, uniteam ang kanilang mga kandidato, at uniteam din sila nangorakot sa ating gobyerno.
Dagdag pa ni Tejoso, hindi sila titigil sa panawagan ng pagbibitiw ng dalawang opisyal ng bansa sa kanilang pwesto at hindi titigil sa mga hakbang na sumigaw para sa bayan hangga’t walang napapanagot sa mga kaso ng korapsyon, lalo na sa mga proyekto para sa flood control.










