Dagupan City – Mariing tinutulan ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang muling posibilidad ng pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ayon kay Atty. Ona Caritos, Executive Director ng LENTE.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Caritos sinabi nito na tila nagiging “normal” na ang pagpapaliban ng barangay at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) elections, na may seryosong negatibong epekto sa demokrasya at pamahalaang lokal.

Aniya, kapag hindi kasi mahusay ang nakaupong barangay officials, mas lalong tatagal ang kanilang pamumuno at nawawala ang isang pangunahing karapatan ng mamamayan — ang karapatang bumoto, na bahagi ng batayang karapatang pantao.

--Ads--

Dagdag pa niya, mas pinahahalagahan ng pamahalaan ang kapakanan ng mga opisyal kaysa sa mga botante.

Binigyang-diin din niya na mas mahalaga ang Barangay at SK Elections kaysa sa national at local/municipal elections, sapagkat dito direktang nakikita at nararamdaman ng mga mamamayan ang epekto ng pamumuno.

Nagpaalala rin si Caritos sa mga nagnanais tumakbo bilang barangay officials na hindi ito dapat ginagawa para sa popularidad o ‘clout’.

Ayon pa kay Caritos, sapat na ang apat na taon para sa mga opisyal upang maipatupad ang mga programa sa kanilang nasasakupan.

Sa unang taon pa lang kasi aniya ay kadalasan training at adjustment pa lamang ang nagaganap.

Kaya ang 4 na taon ay mas makabubuti kung ikukumpara sa 3 taon, lalo na sa mga bagong halal.

Binanggit din ni Caritos na mas mainit at matindi ang labanan sa barangay elections kumpara sa national elections.

Dagdag pa niya, dapat kilalanin ang papel ng Sangguniang Kabataan bilang training ground ng mga kabataang lider, kasabay ng pagpapatupad ng anti-political dynasty law.

Naniniwala rin si Caritos na kahit hindi pisikal na naroroon sa barangay ang isang opisyal, gaya ng mga SK na nag-aaral sa ibang lugar, ay maaari pa ring gampanan ang kanilang tungkulin sa tulong ng makabagong teknolohiya.

Sa gitna ng mga usap-usapan ukol sa panibagong pagpapaliban ng halalan, nananawagan ang LENTE sa pamahalaan na igalang ang karapatan ng mamamayan at ituloy ang nakatakdang BSKE sa itinakdang panahon.