Ikinakabahala ngayon ng Pangasinan Police Provincial Office ang patuloy na pagtala ng mga kaso ng suicide o pagpapakamatay sa probinsya.
Ayon kay PMaj. Ria Tacderan ang siyang Information Officer ng Pangasinan PPO na kung titingnan simula taong 2020 ay mataas ang bilang ng mga maituturing na completed suicide sa lalawigan.
Base sa kanilang tala noong 2020, aabot sa 92 ang total cases ng suicide na nakitaan naman ng pagtaas noong 2021 kung saan umakyat ang bilang na ito sa 124.
Sa naturang datos 109 ang mga kalalakihan habang 15 ang mga kababaihan at siyam dito ay pawang menor de edad.
Sa kanila namang pinakahuling datos, para sa taong kasalukuyan ay mayroon ng 101 cases ng suicide kung saan lima dito ay bata habang 87 ang mga kalalakihan habang 14 naman ang kababaihan.
Aminado naman ito na malaki ang naging epekto ng social media upang makaranas ng depression ang marami sa mga kabataan partikular na sa mga nakakaranas ng bullying.
Kaugnay nito nakikita namang dahilan sa pagpapatiwakal ng mga matatanda ay dulot ng problema sa pera o relasyon sa kani-kanilang mga kasintahan.
Kung kaya naman panawagan ni Tacderan sa publiko na maging sensitibo sa nararamdaman ng isang indbidwal.
Dapat din ay maiging maobserbahan kung may kakilala o pamilyang nagpapakita ng kaibahan sa kanilang mga pag-uugali at magpakita ng pagnanais na mabigyang suporta ang naturang indibidwal.
Paglilinaw rin nito na patuloy nialng pinaiigting ang ilan sa mga proyekto at programang nakatuon sa mental health ng bawat tao.