Dagupan City – Resulta lamang ang patuloy na pagtaas sa presyo ng bigas sa bansa ng kakulangang tulong sa mga magsasaka.

Ito ang binigyang diin ni Sonny Africa, Director ng Ibon Foundation sa naging panayam sa kaniya.

Aniya, kung titignan kasi ang takbo ng ekonomiya, ay lumalabas na walang konkretong plano ang pamahalaan upang solusyunan ang nasabing suliranin gaya na rin ng patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

--Ads--

Dagdag pa ni Afrcia, kung babalikan din ang nasabing adhikain ng pangulo noong kumakandidato pa lamang ito, kung saan ay sinabi ng pangulo na gagawing P20 ang presyo ng bigas, ayon kay Afrcia, malayo ito sa nangyayari ngayon dahil ang dating P43 na presyo kada kilo ay tumaas pa kung saan ay naging P55 na ito.

Hindi rin aniya solusyon ang ipinatupad na Rice Tariffication Law (RTL), dahil wala rin itong magandang epekto sa mga rice retailers bagkos ay pagkalugi lamang ang nangyayari.

Nauna naman nang sinabi ni Afrcia na kaya nananatiling nangunguna ang Pilipinas sa may pinakamalaking bilang ng inaangkat sa buong mundo ay dahil sa kakulangan ng suporta ng pamahalaan sa magsasaka at mas pinalalakas lamang ang produkto ng ibang bansa.

Panawagan naman nito sa pamahalaan, kayang makamit ang murang bilihin sa bansa, pagtaas ng sahod, at pagbibigay ng trabaho sa mamamayan kung tama at maayos ang mga isinasagawang plano ng gobyerno.