DAGUPAN CITY- Malaki rin na dagok sa kabuhayan ng mga mangingisda ng Pilipinas ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo dulot ng sigalot sa pagitan ng Israel at Iran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Roberto Ballon, Chairperson ng Katipunan ng Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, isa ito sa pangunahing pangangailangan ng mga mangingisda, lalo na sa mga bangkang de motor, upang puntahan ang mga bahagi ng karagatan ng bansa kung saan makakarami sila ng mahuhuling isda.
Aniya, hindi bumababa sa P1,000 ang kanilang nagagastos sa gasolina upang makahuli ng sapat para sa arawang pangkabuhayan.
Umaabot din kase sila ng 20-30 nautical miles upang marating ang kanilang mga payawan o ang lugar ng pangisdaan.
Karamihan pa sa mga mangingisda ay inuutang muna ang pinang-gagasolina at binabayaran na lamang ito kapag naibenta na ang mga isdang nahuli.
At ani Ballon, ang issue na ito ay isa sa mga pinag-usapan sa isinagawang Philippine Poverty Reduction Summit 2025.
Ang naturang summit ay taunang isinasagawa upang pag-usapan ang mga salik sa marginalized sector.
Samantala, binahagi ni Ballon na sa taon na ito ay kabilang sa pinag-usapan sa summit ay ang pabahay para sa mga mangingisda upang makatulong sa kanilang hanapbuhay.
Ipinapanawagan naman ni Ballon sa pagsisimula ng 20th Congress ang pagpapabuti pa sa kalagayan ng mga mangingisda.
Kabilang na dito ang gawin prayoridad ang National Coastal Mangrove bill upang maprotektahan sila mula sa mga bagyo.