DAGUPAN CITY- Dapat nang mawakasan ang krimen na nararanasan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa bansang Kuwait.
Ito ang pahayag ni Rechilda Desunia, Vice Chairperson ng Samahan ng mga Domestic Helper sa Gitnang Luzon, bilang pagsang-ayon kay Sen. Raffy Tulfo hinggil sa pag-ban sa Kuwait na makakuha pa Domestic Helpers mula Pilipinas dahil sa patuloy na karahasang nararanasan ng mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakaniya, ipinagtataka umano ng senado ang pag-alis sa nasabing pagban sa Kuwait nang hindi nila nalalaman. Ang naturang banning ay nagsimula matapos ang kasong pagpaslang kay Jullebee Ranara noong 2023.
Sa katunayan, marami na ang mga OFW na nasasawi sa ibang bansa, simula ito noong 2018, dahil sa karahasan mula sa amo at patuloy pa itong lolobo.
At matindi nilang pinapaniwalaan na kabilang dito si Jenny Alvarado na napaulat kamakailan na nasawi sa Kuwait dahil umano sa suffocation.
Aniya, may kakulangan rin kase ang gobyerno ng Pilipinas dahil hindi nagiging mahigpit ang monitoring ng gobyerno sa mga employer.
Gayunpaman, tila mas pumapanig pa ang mga ito sa agency at hindi nabibigyan ng halaga ang seguridad ng mga OFW.
Sinasabihan lamang umano sila ng gobyerno na magtiis sapagkat hindi naman nagkakaroon ng pisikal na pananakit.
At kung hihilingin nila ang repatriation, sila pa mismo ang pinapagastos para sa kanilang ticket pauwi.
Maliban pa riyan, giit din ni Desunia na patuloy pa itong mararanasan ng mga OFW dahil wala naman sapat na trabaho sa Pilipinas na may mataas na sahod.
Nagbubuwis buhay lamang ang mga Domestic Helpers dahil sa mataas ang pasahod sa Kuwait kumpara sa ibang bansa.
Advice naman niya sa mga ibang OFW, na kung sakaling magkaroon na ng total ban sa Kuwait, mas magandang mangibang bansa sa Asian Countries dahil mas mabuti ang mga amo na naroroon at sumusunod sa batas kumpara sa Midle East countries.
Sa kabilang dako, hindi pinapaniwalaan ng pamilya na suffocation ang ikinasawi ni Jenny Alvarado dahil nakitaan ito ng maraming pasa na posibleng may foul play.
Maging si Sen. Raffy Tulfo ay naninidigan na sinaktan ito kaya panawagan nito na imbestigahan pa ito.
Dagdag ni Desunia, naninindigan sila sa hustisya para sa mga OFW na napaslang ng kanilang employers.