Patuloy na makararanas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng Hilagang Luzon at ilang lugar sa Gitnang Luzon dahil sa pinagsamang epekto ng isang tropical depression, habagat at mga outer cloud band ng mga weather disturbance na mino-monitor ng mga weather forecaster.

Sa panayam kay Gener Quitlong, weather forecaster, ipinaliwanag niya na muling lumakas ang isang weather disturbance na dating low pressure area (LPA) matapos itong mabuo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at naging tropical depression.

Ayon kay Quitlong, kabilang sa mga apektadong lugar ang malaking bahagi ng Northern Luzon, kabilang ang Pangasinan, kung saan patuloy na nararanasan ang pag-ulan.

--Ads--

Bagama’t unti-unti nang lumalayo ang naturang weather system, sinabi ni Quitlong na bumagal ang pagkilos nito kaya nagpapatuloy ang pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon.

Bukod dito, may iba pang weather disturbance na patuloy na mino-monitor sa paligid ng bansa. Kabilang dito ang isang tropical depression na nasa border ng PAR at isang typhoon na nasa Pacific Ocean.

Sinabi ni Quitlong na posibleng pumasok sa PAR ang naturang bagyo pagsapit ng Lunes o madaling-araw ng Lunes, batay sa pinakahuling datos. Gayunman, hindi pa matukoy kung direktang tatama ito sa kalupaan ng Pilipinas dahil maaari pa itong magbago ng direksiyon.

Posible rin umanong maapektuhan ang Northern Luzon ng habagat kapag lumapit ang bagyo, lalo na kung mananatiling malakas ang sistema.

Ipinaliwanag ng weather forecaster na ang nararanasang pag-ulan sa Pangasinan at iba pang bahagi ng Northern Luzon ay dulot ng pinagsamang epekto ng habagat at outer cloud bands ng mga bagyong mino-monitor sa labas at paligid ng PAR.

Sa kasalukuyan, mas nangingibabaw umano ang light to moderate rainfall sa ilang lugar, bagama’t mayroon nang mga lugar na nakararanas ng mas malakas na pag-ulan.

Dahil inaasahang magpapatuloy ang pag-ulan sa mga susunod na araw, hinikayat ni Quitlong ang publiko, lalo na ang mga residente sa mga lugar na madaling bahain at magkaroon ng landslide, na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather advisory.

Aniya, mahalagang hintayin ang pinakabagong datos mula sa Doppler radar at mga awtoridad upang maging mas handa sa anumang pagbabago ng panahon.