Nadiskubre ang humigit-kumulang anim na nabubulok at nangangamoy na patay na baboy na basta na lamang itinapon sa tabing-ilog sa Barangay Malasin sa bayan ng Pozorrubio.

Ayon kay Barangay Captain Pablito Neri, nakatanggap siya ng ulat mula sa kanyang barangay tanod ukol sa mga nakatambak na baboy habang naghahanda sila para sa isang linis-barangay program noong Linggo.

Sinabi ni Kap. Neri na nang puntahan nila ang lugar ay nakita nilang inaagnas at napakabaho na ng humigit-kumulang anim na baboy at may ilan na nakahiwalay na ilang karne na tila tinadtad pa at hindi na buo.

--Ads--

Idinagdag din niya na ayon sa ulat ng mga residente, may nakitang isang stealth jeep sa pagitan ng 7:00 at 8:00 ng gabi na mabilis na tumawid at bumyahe patungong Manaoag habang nag-iiwan ng napakabahong amoy.

Agad namang umaksyon ang Pamahalaang Lokal sa pamumuno ni Mayor Kelvin T. Chan, kasama ang Pozorrubio Municipal Police Station (MPS) at ang Department of Agriculture – Municipal Veterinary Office upang siyasatin ang insidente.

Nagpadala rin ang LGU ng payloader upang agad na ibaon at tabunan ang mga ito upang maiwasan ang pagkalat ng amoy at protektahan ang kalusugan ng mga residente at ang lokal na pangkabuhayan laban sa African Swine Fever (ASF).

Sa kabilang banda, ayon kay PMAJ Jorlan Salcedo, OIC ng Pozorrubio MPS, kasalukuyan na silang nagpapatupad ng backtracking sa mga CCTV camera at nag-iimbestiga sa lugar upang matukoy ang mga responsable.

Inihayag ni PMAJ Salcedo na batay sa pagsusuri ng municipal veterinary, ang mga itinapon na baboy ay posibleng galing sa isang piggery o sa mga biyahero, at tinatayang nasa tatlong araw na ang nakalipas mula nang itapon ang mga ito batay sa antas ng pagkabulok.

Nakikita nila na ang mga ito ay hindi mula sa Pozorrubio kundi galing sa ibang lugar na itinapon lamang sa kanilang nasasakupan.

Binigyang-diin ng kapulisya na ang mga suspek ay maaaring harapin ang kasong paglabag sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act, na nagpaparusa sa ilegal na pagtatapon ng mga basurang tulad ng patay na hayop, lalo na sa mga katubigan.

Dahil sa naturang insidente, pinag-aaralan na ni Mayor Kelvin Chan ang pagpapalabas ng isang Executive Order (EO) na pansamantalang magbabawal sa pagpasok ng mga karne at baboy na nanggaling sa ibang bayan o probinsya.

Plano ng LGU na magpatawag ng pagpupulong kasama ang mga lokal na hog raisers upang tiyakin kung sapat ang lokal na supply ng karne para sa pampublikong palengke ng bayan.

Ayon sa alkalde, posibleng ito na ang senyales upang pansamantalang ihinto ang pag-aangkat ng baboy sa labas para maprotektahan ang bayan sa anumang banta ng sakit sa hayop.

Kapag naipatupad na ang nasabing EO, inaasahang mas papaigtingin pa ang mga checkpoint sa bawat border at hangganan ng Pozorrubio.

Samantala, nanawagan ang barangay at ang kapulisya sa sinumang may impormasyon o nakakilala sa sasakyang ginamit sa pagtatapon na makipag-ugnayan agad sa Pozorrubio Municipal Police Station.

Hinihimok din ang mga lokal na nag-aalaga ng baboy na ibaon nang maayos ang mga namatay na alaga upang hindi makahawa sa iba lalo na kung may sakit.