Dagupan City – Patuloy ang pagtaas ng presyo ng karne ng baboy sa mga pamilihan, ayon sa isang pork vendor na si Maria Lala Nisperos, na nagsabing halos lingguhan ang dagdag-presyo mula sa kanilang mga supplier.

Batay sa kanyang pahayag, umaabot sa humigit-kumulang P10 kada linggo ang itinatataas ng presyo ng karne mula sa pinanggagalingan nito, dahilan upang mapilitan din ang mga nagtitinda na magpatong ng bahagyang dagdag sa kanilang paninda.

Ayon kay Maria Lala Nisperos, Malingas Market Vendor , mula sa dating mas mababang presyo, ang pork belly ay nasa P390 kada kilo na, habang ang laman ay pumapalo na sa pagitan ng P370 hanggang P380 kada kilo.

--Ads--

Ayon pa sa vendor, tatlong linggo nang tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo, at may posibilidad pa itong sumipa muli kung magtataas pa ang mga supplier.

Gayunman, umaasa siyang hindi na ito aabot sa P500 kada kilo, at mananatili na lamang sa mas mababang antas kumpara noong kasagsagan ng African Swine Fever kung kailan umabot sa P400 ang presyo.

Sa kabila ng pagtaas ng presyo, kapansin-pansin din ang paghina ng bentahan sa merkado.

Mas nagiging maingat umano ang mga mamimili sa kanilang paggastos at mas pinipiling i-budget ang kanilang pambili ng pagkain, dahilan upang mas lalong bumagal ang kita ng mga nagtitinda.

Ibinahagi rin niya na hindi pare-pareho ang kita ng bawat vendor, dahil may ilan na pumapayag na magbenta sa mas mababang presyo upang maubos lamang ang kanilang paninda.

Dagdag pa rito, limitado na rin ang pinagkukunan ng baboy dahil sa epekto ng African Swine Fever na sumira sa maraming alagang baboy, kaya’t nakadepende na lamang ang mga tindero sa presyong ibinibigay ng mga farm supplier.

Nanawagan naman ang vendor sa publiko at sa mga supplier na maging responsable at makonsidera ang kalagayan ng bawat isa.

Hinikayat din ang mga mamimili na unawain ang sitwasyon ng mga nagtitinda na kinakailangang magtaas ng presyo upang makabawi sa kanilang puhunan, habang umaasa na makokontrol pa ang patuloy na pagtaas ng presyo ng karne sa merkado.