Sinimulan na ng Dagupan City Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kanilang parol making project na kanilang inilulunsad taun taon bilang parte ng mga aktibidad na ibinibigay sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) para sa yuletide season.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay JSUPT. Roque Constantino Sison III, ang Warden ng Dagupan City Jail, ngayon pa lamang ay marami na aniya silang natatanggap na mga orders mula sa munisipalidad ng Mangaldan maging sa syudad ng Dagupan at ilan pang mga private individuals.

Dahil dito ay mabilisan na aniya ang pagtatrabaho ngayon ng mga PDL Livelihood Workers sa parol making projects at iba pang mga proyekto na makatutulong sa kanilang karagdagang kita upang masuportahan pa rin nila ang kani-kanilang mga pamilya.

--Ads--

Aniya, tradisyunal lamang ang kanilang ginagawang mga parol kung saan ang mga materyales na kanilang ginagamit ay ang kawayan at mga colored plastics at bahala na ang kanilang mga mamimili kung dadagdagan pa ang mga palamuti.
Para naman sa division of labor ng mga PDLs, mayroon aniyang sistematikong trabaho kung saan mayroong tagaputol ng plastic, tagaayos ng mga kawayan at taga dikit ng mga plastic covers.

TINIG NI JSUPT. ROQUE CONSTANTINO SISON III

Samantala, mayroon na aniyang face-to-face contact visitation ngayon sa BJMP Dagupan City ngunit kinakailangan lamang aniya nilang masunod ang mga hinihinging requirements na nagpapakita ng katunayan na sila ay tunay na kamag-anak ng bibisitahing Person Deprived of Liberty.

Kailangan din nilang sumailalim sa strict searching procedures na isinasagawa ng kanilang pasilidad at magkaroon pa rin ng obserbasyon sa minimum health standard sa pamamagitan ng pagsusuot ng facemask.

Bukod sa parol making project, mayroon din aniya silang tinatawag na “Panangarod Parad saray PDL” na naglalaman ng ilang mga benepisyo para sa mga Persons Deprived of Liberty kung saan tumutugon din ang ilang mga private individuals gaya ng mga religious groups upang maghatid ng saya sa mga ito.