Nilinaw ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) Pangasinan na hindi petrolyo o langis ang laman ng sumadsad na foreign vessel sa Patar Beach sa bayan ng Bolinao.

       Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Lieutenant Commander (LCDR) Alois Morales, Station Commander ng PCG Pangasinan at itinalagang maging spokesperson para sa naturang insidente, na hindi langis o oil products ang laman ng naturang barko taliwas sa unang lumabas na impormasyon.

       Base aniya sa kanilang pagkikipag-ugnayan sa kapitan ng barko at pagsusuri sa mga dokumentong dala ng mga ito, kemikal na paraxylene ang kargamento ng barko.

--Ads--

       Dagdag pa ni Morales, sa pananaliksik, ang naturang kemikal ay ginagamit sa paggawa ng mga plastic bottles at polyester. 

       Nasa mahigit 15 libong metrikong tonelada nito ang kargamentong laman ng foreign vessel na sumadsad noong madaling araw ng Disyembre 9.

       Nilinaw din ni Morales na 23 dayuhan lamang ang sakay ng barko na kinabibilangan ng 20 Chinese at tatlong Myanmar national.