Patuloy paring pinag-aaralan kung paano maaalis ang sumadsad na foreign vessel sa Patar Beach sa bayan ng Bolinao.
Paliwanag ni Lieutenant commander (LCDR) Alois Morales, Station Commander ng PCG Pangasinan at itinalagang maging spokesperson para sa naturang insidente, sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, nasa proseso palamang ng pag-aaral ang pribadong kumpanya na Smith-Malayan na kinuha ng may-ari ng foreign vessel upang maalis ang sumadsad na barko.
Aniya, sa prosesong ito malalaman kung anong magandang paraan upang maalis mula sa pagkakasadsad ang foreign vessel at maiwasan na mas lumawak pa ang ang masirang mga corals.
Inihayag naman ni Morales, na kapag mayroon ng nabuo at nailatag na plano ang salvor company at napagaralan na ng PCG doon palamang sila makapagbibigay ng salvaging permit.
Nabatid na magmumula pa sa bansang Malaysia ang isa sa mga gagamitin upang maalis ang foreign vessel. Paliwanag ni Morales, wala kasing tanker dito sa Pilipinas na puwedeng paglipatan ng kemikal na karga ng barko. Sa kasalukuyan, dagdag pa ni Morales, inaayos na ang dokumento para dito.