DAGUPAN CITY- Napakalaki at mahalaga ang papel ng isang magulang upang matulungan ang mga kabataan na malabanan ang kanilang mga adiksyon sa bisyo o ang ‘childhood vices’.

Ang ‘Childhood vices’ ay ang mga maagang pagkahumaling o pagkalulong ng mga kabataan sa iba’t ibang bisyo, tulad na lamang ng vaping, paninigarilyo, alak, pag gamit ng gadget at maging ang sobrang pagkain ng junk foods.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Glenn Soriano, US Doctor at Natural Medicine Advocate, responsibilidad ng mga magulang na ilagay sa tuwid na direksyon ang kanilang mga anak at maitigil ang umiiral na adiksyon.

--Ads--

Aniya, nagsisimula ang adiksyon sa ‘dependency’ ng isang bata sa isang bagay kung saan araw-araw nila ito hinahanap-hanap.

Maiban pa riyan, malaki rin salik ang ‘peer pressure’ at pagsunod sa ‘trend’ kaya nahuhumaling sa masasamang bisyo ang isang kabataan.

Kung hindi ito agad na matugunan ay nagdudulot ito ng samu’t saring negatibong epekto sa isang bata, partikular na sa pisikal at mentalidad.

Karaniwan sa mga ito ay nauubos na ang kanilang oras sa kinaaadikan at nalilimutan na ang mga mahahalagang bagay.

Sa tuwing hindi naman napagbibigyan ay nagiging agresibo ang mga ito kung saan nauuwi sa pananakit o emotional burst-out.

Ayon kay Dr. Soriano, malaking tulong na malabanan ang naturang adiksyon kung ibabaling ang atensyon ng kanilang anak sa mga recreational activities, tulad na lamang ng sports.

Para sa mga may problema sa pisikalidad, may positibo rin na epekto ang gadget subalit kailangan lamang pagtuonan ng pansin at tiyakin hindi mapapasobra ang paggamit.

Mahalaga rin na mapanatili ng magulang ang magandang imahe sa harap ng kanilang mga anak.

Kung nais iwasan ng anak ang masasamang bisyo ay dapat makita rin ng kanilang mga anak na hindi nila ito ginagawa.

Ani Soriano, hindi magiging matagumpay na malabanan ang adiksyon kung ang kanilang anak lamang ang gagalaw sapagkat isa itong ‘teamwork’ para sa long-term solution.

Dagdag pa niya, hindi rin nakatitiyak sa magandang pagbabago ang paggamit ng ‘physical threat’ dahil madadala lamang ito sa susunod pang henerasyon.