Nanawagan ang mga magsasaka sa pamahalaan at sa National Food Authority (NFA) na repasuhin at ayusin ang panuntunan sa pagbili ng palay upang ito ay tunay na tumugon sa reyalidad sa mga sakahan at sa kalagayan ng ating mga magsasaka.

Ayon kay Cathy Estavillo Spokesperson, Bantay Bigas sa kasalukuyang sistema, kahit nasa panahon pa lamang ng pag-aani sa bukid, naroroon na ang mga trader na bumibili ng produkto kung saan kadalasan sa murang halaga.

Hindi naman maikakaila na sila ang nagpapa-utang sa mga magsasaka, kaya’t wala nang pagpipilian ang mga ito kundi ibenta agad ang kanilang ani sa presyong dikta ng mga middlemen.

--Ads--

Kaya’t panawagan nito na hindi na dapat dalhin pa sa malalayong NFA warehouses ang mga ani.

Sa halip, magtayo ang pamahalaan ng mga buying stations sa mismong barangay upang agad maibenta ng mga magsasaka ang kanilang palay sa presyong patas, direkta sa gobyerno, at hindi na kailangang dumaan sa mga mapagsamantalang trader.

Samantala, sa pagdiriwang naman ng ikatlong taon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang Presidente ng bansa, naghahanda ang iba’t ibang sektor para sa isang malawakang pagkilos upang ipanawagan ang pananagutan ng administrasyon sa gitna ng patuloy na krisis sa kabuhayan, agrikultura, at presyo ng mga bilihin.

Ani Estavillo na kailangang singilin ang Pangulo sa kaniyang pangako upang magkaroon ng tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at kawalan ng konkretong hakbang ng gobyerno upang tugunan naman ang hinaing ng mga mamamayan.