DAGUPAN CITY- Isinusulong ngayon ng Sangguniang Panglungsod ng Dagupan ang pagpasa ng isang ordinansang naglalayong ipagbawal ang malayang pag-access sa pornograpikong nilalaman, partikular na para sa mga kabataan.
Layunin ng panukala na pigilan ang pagkalat ng hindi angkop na materyales sa internet na posibleng naka-aambag sa tumataas na kaso ng teenage pregnancy sa lungsod.
Ayon kay City Councilor Joey Tamayo, author ng nasabing ordinansa, nakababahala ang epekto ng ganitong mga online content sa kabataang madali pang maimpluwensyahan.
Kaugnay nito, nananawagan ang konseho sa mga internet service providers na makipagtulungan upang maghanap ng teknikal na paraan upang mapigilan ang access sa mga website na naglalaman ng iligal o malaswang aktibidad.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang deliberasyon at konsultasyon ng mga miyembro ng sanggunian kasama ang mga eksperto at kinatawan mula sa mga internet providers.
Inaasahang ilalatag ang pinal na bersyon ng ordinansa sa mga susunod na sesyom, kasabay ng mas pinaigting na kampanya sa responsableng paggamit ng internet sa buong lungsod.