DAGUPAN CITY- Isinagawa sa bayan ng Mangaldan ang isang pampublikong pagdinig upang talakayin ang panukalang ordinansa na naglalayong sugpuin ang lumalalang kaso ng online sexual abuse at exploitation ng mga bata.
Layon ng ordinansa na palakasin ang lokal na mga hakbang kontra sa pagkalat ng child sexual abuse at exploitation materials, pati na rin ang pagbibigay-proteksyon sa kabataan sa digital na espasyo.
Sa pagdinig, tinalakay ang pangangailangang paigtingin ang mga polisiya para sa mabilis na pagtugon sa mga kaso ng online na pang-aabuso.
Binigyang-diin ang kahalagahan ng maayos at sistematikong mekanismo upang matulungan agad ang mga biktima, at mapalaganap ang tamang kaalaman sa mga komunidad kung paano tutugon sa ganitong uri ng krimen.
Ipinresenta rin sa pag-uusap ang mga serbisyong maaaring ibigay ng lokal na pamahalaan gaya ng psychological counseling at pansamantalang tuluyan para sa mga kabataang nangangailangan ng proteksyon.
Bahagi rin ng diskusyon ang pagpapatibay ng inter-agency coordination upang masigurong maayos ang daloy ng tulong mula sa iba’t ibang tanggapan.
Nagpahayag ng suporta ang iba’t ibang sektor sa panukala, kabilang ang ilang ahensya ng pamahalaan, na layong mapabilis ang pagpasa nito.
Inaasahang magsisilbing mahalagang hakbang ang ordinansa upang mas maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng kabataan sa gitna ng tumitinding banta ng online exploitation.