DAGUPAN CITY- Isinusulong ng ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ang panukalang Ordinance No. 0-920 na layong palakasin ang Freedom of Information (FOI) sa lungsod.
Layon ng ordinansa na magkaroon ng malinaw at maayos na proseso para sa paghingi ng pampublikong dokumento, lalo na tungkol sa mga proyekto, pondo, at desisyon ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Konsehal Redford Erfe-Mejia, mahalaga ang FOI upang masigurong bukas at tapat ang pamahalaan at mabigyan ng sapat na impormasyon ang mga mamamayan sa paggamit ng pera ng bayan.
Sa ginanap na pagdinig, tinalakay ang mga probisyon ng panukala tulad ng paraan ng pagsusumite ng request at ang parusa sa mga opisyal na hindi susunod.
Lumabas din ang panawagan para sa mas malinaw na paliwanag ng lokal na administrasyon sa paggamit ng pondo.
Patuloy pa ang deliberasyon sa panukala, at bukas ang mga konsehal sa mga mungkahi upang mapagtibay ang karapatan ng publiko sa impormasyon at maisulong ang tapat na pamamahala.