Binatikos ni Atty. Michael Henry Yusingco – Political analyst ang panukalang batas sa Senado na naglalayong magsagawa ng taunang mandatory drug testing sa lahat ng opisyal ng gobyerno, kabilang na ang Pangulo ng bansa.
Ayon kay Atty. Yusingco, tila nagiging gimik o paraan lamang ng public relations (PR) ang nasabing panukala, lalo na kung hindi ito dumaan sa masusing pag-aaral at konsultasyon.
Aniya, hindi dapat gawing basehan ang iisang kaso upang bumuo ng pambansang patakaran.
Dahil kung gagawa ng batas, dapat may masusing pananaliksik at pag-aaral at dapat alam din kung paano ito mai-implementa nang epektibo.
Samantala, isa rin sa mga puntong binigyang-diin ni Yusingco ay ang kakulangan sa malinaw na plano sa implementasyon, partikular na sa pondo.
Sa ganitong mga usapin kinakailangang may nakalaang pondo kung sakaling magsasagawa ng random tests.
Bukod dito, iginiit pa niya na ang ganitong uri ng panukala ay maaaring lumabag sa karapatang pantao, partikular sa right to privacy ng isang indibidwal.
Maaari itog gamitin laban sa mga politiko, para lamang i-name and shame na agad pagbintangang adik dahil tumangging magpa-drug test, kahit pa karapatan niya iyon.
Sa kabuuan, nanawagan si Yusingco sa mga mambabatas na maging responsable at huwag maghain ng mga panukalang hindi pinag-isipan.
Bagamat kung hindi maipapatupad ng tama at epektibo ay wala ring kuwenta ang batas.