Tinatayang mahigit limang libong opisyal mula sa mga political dynasty ang maaaring maapektuhan sakaling maging ganap na batas ang panukalang Anti-Political Dynasty Bill sa House of Representatives.

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert at “Streetlawyer,” mahalagang hakbang ang panukala upang mapalakas ang political maturity ng bansa at mas mapalalim ang kamalayan ng publiko hinggil sa isyu ng political dynasty.

Aniya, sa pamamagitan ng mas malawak na diskusyon sa plenaryo, nagiging mas mulat ang taumbayan sa epekto ng pagkakaroon ng magkakamag-anak na sabay-sabay na humahawak o tumatakbo sa mga posisyon sa pamahalaan.

--Ads--

Gayunman, aminado si Cera na hindi magiging madali ang pagsulong ng panukala dahil marami pa itong kailangang pag-usapan at pagdebatehan ng mga mambabatas.

Isa sa mga usapin na posibleng pagtalunan ay kung dapat bang isama sa saklaw ng batas ang mga anak sa labas ng kasal.

Sa kasalukuyang bersyon ng panukala sa Kamara, ipinagbabawal ang sabay-sabay na pagtakbo o panunungkulan ng mga magkakamag-anak hanggang sa ikalawang antas ng relasyon sa parehong halalan.

Kapag naipasa, tinatayang mahigit limang libong elective positions ang maaaring mabakante, na inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga bagong lider na nais magsilbi sa pamahalaan.