Dagupan City – Tinuligsa ng isang abogado ang inihain sa senado na panukalang annual mandatory drug testing sa lahat ng opisyal, kabilang ang pangulo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, constitutional lawyer, sinabi nito na ang naturang panukala ay maaaring magdulot ng paglabag sa karapatan sa privacy ng mga opisyal, at posibleng magamit sa tinatawag niyang “shame campaign.”
Dito na niya binigyang diin na maituturing din ang nasabing panukala bilang “hypocrisy” at iginiit na hindi nararapat gawing mandatory ang drug testing para sa mga opisyal.
Ani Cera, hindi ito dapat ituring na simpleng isyu ng law enforcement, dahil bukod sa mga totoong lulong at ginagamit ito sa ilegal na pamamaraan ay lalabas din ang isang usaping pangkalusugan na dapat lapatan ng pang-unawang medikal at hindi tawaging kriminal.
Paliwang pa ni Cera, kapag ganito kasi ang naging patakaran, lalabas na para bang lahat ng gumagamit ng droga ay itinuturing na kriminal, kahit na may ilan sa kanila na kailangang magpagamot at hindi naman sangkot sa ilegal na gawain.
Dagdag pa ni Cera, isinususpetsang tila ginagamit lamang ni Senador Robinhood Padilla ang isyu upang ilihis ang atensyon sa mga kontrobersiyang kinakaharap ng kanyang opisina, kabilang na ang pagkaladkad sa pangalan ng kaniyang sekretarya na si Nadia Montenegro sa napapaulat na gumamit siya ng marijuana sa loob ng comfort room ng senado.