Habang sinisimulan na ang mga pagdinig sa Kamara para sa panukalang batas na magbibigay ng 14th month pay sa mga private sector employees, iginiit ni Josua Mata, Secretary General ng SENTRO ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, na hindi ito dapat gamitin bilang dahilan upang pigilan ang pagtataas ng minimum wage.

Aniya kailangang masiguro na hindi ito magiging kapalit ng minimum wage increase dahil wala naman ito sa batas.

Kung saan binigyang-diin ni Mata na maraming manggagawa sa bansa ang hindi nakakakuha ng benepisyo dahil sa kawalan ng union, at kalagayan ng kontraktwalisasyon na nagpapadali sa kanilang tanggalin sa trabaho.

--Ads--

Sinabi rin niya na buhay pa ang NTF-ELCAC, at patuloy umanong ginagamit ito sa pangha-harass at red-tagging sa mga manggagawang nagtatangkang mag-unyon.

Sa kabila ng Kongresong dominado ng mga employer o kanilang mga kandidato, umaasa si Mata na sa 20th Congress, mas marami nang kakampi ang mga manggagawa sa loob ng lehislatura.

Giit niya, mahalagang tuloy-tuloy ang pagmomobilisa sa mga mambabatas upang maisulong ang mga batas na pabor sa uring manggagawa, lalo sa gitna ng mga usapin sa pambansang badyet.

Bukod sa 14th month pay, naglabas din ng panig si Mata sa isyu ng online gambling.

Ayon sa kanya, maraming manggagawa at mamamayan ang naaapektuhan ng “gambling addiction” na dala ng legal na online platforms.

Saad nito na dapat na isara na ang mga online gambling platforms at hindi sapat na i-regulate lang ito.

Gayunman, iginiit niyang dapat tiyakin na ang mga manggagawang maaapektuhan ng pagsasara ay magkakaroon ng alternatibong kabuhayan.