DAGUPAN CITY--Nagpalabas na ng isang executive order si Pangasinan Gov. Amado ‘Pogi’ Espino III, upang pansamantalang ipagbawal ang pagpasok sa lalawigan ng mga baboy at mga produkto mula dito.

Ito ang kinumpirma ni Assisstant Provincial Veterinarian Dr. Jovito Tavareros, sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, kasunod ng hindi pa maipaliwanag na pagkamatay ng mga alagang baboy sa tatlong barangay sa Rodriguez, Rizal partikular sa San Isidro, San Jose at Macabud.

Paliwanag ni Tavareros, ang hakbang na ito ng Gobernador na inilatag sa ipinatawag nitong emergency meeting ay bilang pagprotekta sa swine industry ng probinsya mula sa banta ng anumang swine disease na tumama sa Rizal na maiwasang makarating sa Pangasinan.

--Ads--

Sa ngayon, nagsasanib puwersa aniya ang Provincial Agriculture Office, PNP Pangasinan, Bureau of Animal Industry at iba pang concerned agencies sa pagsasagawa ng checkpoint sa mga strategic areas papasok sa probinsya upang matiyak na hindi makakapasok sa probinsya ang anumang pork products mula sa ibang lugar.