Ikinatuwa ng ilang grupo ng mga riders dito sa lalawigan ng Pangasinan, ang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte, na pansamantala munang maaantala ang implementasyon ng Motorcycle Crime Prevention Act.

Matatandaan na una ng inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa 25th National Federation of the Motorcycle Clubs of the Philippines (NFMCP) annual national convention sa Iloilo Convention Center, na handa nitong suspendihin ang implementasyon ng Motorcycle Crime Prevention Act na una nang tinutulan ng ibat-ibang mga grupo sa bansa.

Ayon sa punong ehekutibo, sisikapin niyang kumbensihin ang LTO at si Sen. Richard Gordon na wag munang ituloy ang pagpapatupad ng naturang batas dahil sa panganib na maaring idulot ng paglalagay ng isa pang plate number sa harap ng motorsiklo.

--Ads--

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Nelson Pedroso, Presidente ng Bikers group ng Naked Wolves Pangasinan Chapter, mabuti nalamang at napakinggan ang hanay ng mga riders lalo at malaking abala aniya para sa kanilang mga rider ang nakapaloob sa panukala.

Paliwanag ni Pedroso, sa pagproseso palamang mula sa pagkuha ng plaka ay pahiriapan na kayat mas mahirap na aniya kapag gagawin na itong dalawa.

Bukod pa dito, napakalaki din aniya ng penalty na kahit ibenta nila ang kanilang motorsiklo ay kulang pang pambayad.

Nabatid na nagsisimula sa multang P50,000 ang pinakamababa hanggang P100,000 ang pinakamataas.