Mahigpit na ipinatutupad sa lalawigan ng Pangasinan ang temporary ban o pansamantalang pagbabawal sa pag-aangkat at pagbebenta ng mga baboy na galing sa ibang probinsiya sa Luzon partikular sa Bataan, Tarlac, Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija.
Ito’y para maiwasan ang pagpasok umano ng African swine fever disease sa probinsiya dahil may aktibong kaso ng ASF ang mga nabanggit na probinsya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Jovito Tabarejos, Assistant Provincial Veterinarian, ang nasabing kautusan ay alinsunod sa executive order ng provincial government.
Nagpapatupad aniya ng mas mahigpit na quarantine checkpoint sa mga entry at exit points sa probinsya.
Patuloy din na hinihigpitan ang inspeksiyon sa lahat ng mga slaughterhouse, public market at maging sa mga piggery at sa mga backyard hog raisers.
Ito ay upang hindi na maulit pa ang nangyari noon na halos lahat ng baboy sa lalawigan ay nagkasakit at namatay dahil lamang sa pagdadala rito ng mga baboy galing sa ibang lugar na may taglay na sakit.
Nilinaw din ng Provincial Veterinary Office na hindi pa apektado ng African swine fever ang probinsiya at hindi dapat mangamba ang publiko.
Tiniyak din ni Tabarejos na nanatiling sapat angsupply ng karne sa lalawigan.
Ang African swine fever ay isang hemorrhagic disease sa mga baboy.
Sintomas nito ay pagkakaroon ng lagnat, mapupulang pantal sa katawan at pagdurugo sa mga internal organs na humahantong sa pagkamatay sa loob ng 2-10 araw.