Nanindigan at inihayag ng abogado ni PSMS John Mollenido na si Atty. Cristobal Rimando na hindi arestado ang kaniyang kliyente at walang valid na warrant of arrest na inisyu ang kahit anumang korte laban kay Mollenido.
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Rimando na hindi tama at misleading umano ang mga ulat na naresto na ang kaniyang kliyente.
Aniya, boluntaryong sumuko si Mollenido sa pulisya at nagbigay ng kaniyang buong kooperasyon sa mga otoridad para sa ikakausad ng imbestigasyon hinggil pa rin sa naging pagkamatay ng asawa’t anak nito na kinilala bilang sina PSMS Diane Mollenido at John Ysmael Mollenido.
Ang naging paninidgan at pagsuko umano ng pulis ang siyang nagpapakita ng transparency at respeto sa due process at hindi dapat inilalarawan o inihahayag bilang pagaresto.
Samantala, hinimok naman ni Atty. Rimando ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon hinggil sa insidente at binigyang diin na nananatiling inosente ang kaniyang kliyente hanggang sa mapatunayan ang mga paratang na ibinabato sa kaniya.

Magugunita naman na nito lamang Linggo, Pebrero 1 kinumpirma ng Quezon City Police District (QCPD) na naaresto na nila si Mollenido bilang ikaapat na suspek sa krimen at iniharap na rin sa inquest proceedings kasama ang tatlong iba pang suspek sa pagpatay.










