Itinuturing na isang malaking bagay sa hanay ng National Confederation of Transport Workers Union ang bagong papapatupad na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo bukas Hulyo 19.
Ayon kay Jaime Aguilar ang siyang Secretary General ng National Confederation of Transport Workers Union, bagaman isa itong magandang balita ang hiling nito ay mas matutukan pa ang mga isyu sa bansa na nagpapahirap hindi lamang sa kanilang mga draybers bagkos ay sa lahat ng mga Pilipino.
Lalong lalo na aniya na dahil sa napakataas na presyo ng mga bilihin at ang usapin sa pagresolba sa kung papaano mababayaran ang utang ng gobyerno mula sa nakaraang administrasyon.
Hiling naman nito na sa darating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 25 ay sesentro ang usapin nito sa pagrebisa ng oil deregulation law at gayundin ang pagtutok sa mga problema ng transport sectors na hindi pa rin nabibigyan ng agarang aksyon.
Kasama na rin aniya rito ang isyu sa pagtutok sa net service contracting at hindi sa pagpapatupad ng libreng sakay programs.
Pagdidiin kasi nito na ang libreng sakay ay tila paggastos lamang ng bilyong piso na hindi naman natutulungan an mayorya ng kanilang hanay.
Samantala, malaking bagay din sa mga drayber ang pagtataas sa singil sa pamasahe kasabay ng mga naitatalang rollback para matulungan silang madaragdagan ang kanilang kitang nauuwi sa pamilya.