Aasahan pa rin ang mas maalinsangan na panahon sa mga susunod na araw dito sa lungsod ng Dagupan sa unang linggo ng buwan ng Mayo.
Ito ay matapos na muling nakapagtala ng panibagong record high heat index ngayong taong 2022 ang lungsod ng Dagupan na umabot ng 54.79°C na nasa Extreme Danger Category sa unang araw pa lamang ng buwan na ito.
Sa panayam ng Bombo radyo Dagupan kay Engr. Jose Estrada Jr. ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Dagupan na ang naidatos na heat index kahapon ay maituturing na nasa danger catergory.
Aniya, dahil nasa kalagitnaan pa rin ang bansa ng dry season ay aasahan ang pagpapatuloy ng maalinsangan at mainit panahon.
Patuloy naman ang panawagan nito sa publiko na kung maaari ay iwasan ang pagtratrabaho sa ilalim ng sikat ng araw at paglabas ng kanilang mga tirahan tuwing sumasapit ang alas nuebe ng umaga hanggang alas kuwatro ng hapon.
Kaya naman paalala ni Estrada sa publiko na huwag ring kaliligtaang magdala ng mga panangga sa init upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng tag-init tulad na lamang ng heat stroke.
Sa kabilang banda, dahil sa mga localized thunderstorms ay makakaranas ang lungsod ng panaka-nakang pag-ulan pagsapit ng hapon o gabi.
Matatandaang una rito ay naitala noong Abril 22 sa lungsod ang heat index na umabot sa 54.39°C.