DAGUPAN, CITY— “Masayang-masaya dahil after 20 years, nakabalik ulit ang Philippine Rowing team sa Olympics.”

Ito ang pahayag ni Cris Nievarez sa Bombo Radyo Dagupan, matapos nitong makuha ang ikatlong puwesto sa Men’s Single Sculls (M1x) sa ginanap na World Rowing Asia & Oceania Olympic & Paralympic Qualification Regatta sa Tokyo, Japan na siyang nagbigay daan upang ma-qualify ito sa Tokyo Olympics sa darating na buwan ng Hulyo.

Ayon kay Nievarez, labis ang tuwa nito at nang kanyang mga kasamahan sa National Team matapos malaman ang naturang balita dahil matagal na umano nang muling nakapasok ang Pilipinas sa naturang sport sa Olympics mula nang maging kinatawan din si Benjie Tolentino noong taong 2000 Sydney Olympics.

--Ads--

Aniya, isang karangalan para sa kanya ang pagrerepresenta sa Pilipinas lalo na sa pinakamalaking tournament na lalahukan ng mga magagaling na atleta sa buong mundo.

Nagpaabot din siya ng taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga tao at organisasyon na tumulong sa kanyang journey sa pag-abot ng kanyang pangarap na makapasok sa naturang patimpalak.

Sa ngayon ay nakabalik na ito sa Pilipinas at kasalukuyang naquarantine pagkatapos nito ay muli itong mag-eensayo bilang preparasyon sa nalalapit na Olympics.

Matatandaang bago makapasok si Nievarez sa Olympics, ay naging nakasungkit din ito ng ginto sa 2019 Southeast Asian Games.

Siya ang ika-walong Filipino athlete na nakasungkit ng spot sa Tokyo Games matapos na unang nag-qualify sina weightlifter Hidilyn Diaz, pole vaulter EJ Obiena, gymnast Carlos Yulo at mga boxers na sina Eumir Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio, at Carlo Paalam.