Hindi maaaring takasan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na siya ay may responsibilidad sa pagkakahuli kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos maghain ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) at dalhin ang dating pangulo sa The Hague, Netherlands.
Marahil ay mariin nitong pinabulaanan na ang nangyaring pagkakaaresto kay Duterte ay hindi dahil sa kooperasyon ng gobyerno sa ICC bagkus ay dahil tayo ay obligado sa Interpol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco – Political Analyst, ang pag-cooperate ni Pangulong Marcos sa Interpol ay isa naring pag-cooperate sa ICC bagama’t ang interpol ay hindi kumikilos mag-isa bagkus ito ay ‘acting in behalf’ ng ICC at naatasan na magsilbi ng arrest warrant laban kay Duterte.
Aniya ang pagpayag ng gobyerno sa paghuli sa dating Pangulo ay mistulang nakipag-cooperate na sa ICC mismo.
Bagama’t , hindi na bahagi ang bansa sa ICC ang subject matter ay nasa ilalim parin ng kanilang hurisdiksyon noong miyembro pa ang bansa at aniya ang pakikipag ugnayan ng gobyerno ay hindi naman maituturing na mali o unlawful.
Subalit malinaw na ang minadali at paspasan na pag-aresto kay Duterte ay nagpapakita na may mga steps na hindi nasunod na nakasaad sa Rome statute.
Hindi rin nagkaroon ng oras ang Supreme Court upang makapag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) at hindi na napigilan ang paghatid sa dating Pangulo sa Netherlands.