Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang opisyal na inagurasyon ng Region I Medical Center (R1MC) Cancer Institute sa syudad ng Dagupan, Pangasinan.

Pagdating ng Pangulo, pinasinayaan niya ang ceremonial marker ng gusali at sinundan ito ng inspeksyon sa mga pasilidad sa ground floor, partikular ang Computed Tomography (CT) Simulation Room, ang Brachytherapy Room, at ang Linear Acceleration (LINAC) Room.

Pinalalakas ng R1MC Cancer Institute ang pagtutok ng pamahalaan sa pagpapabuti ng cancer prevention, maagang pagsusuri, at paggamot alinsunod sa National Integrated Cancer Control Act (NICCA), at sumisimbolo ito ng isang mahalagang hakbang sa mga pagsisikap at pagpapaigting sa pangangalaga ng mga may kanser sa pamamagitan ng Universal Health Care (UHC) program.

--Ads--

Ayon kay Dr. Joseph Roland Mejia, Medical Center Chief II ng naturang ospital, hindi lamang ito nagsisilbing pangunahing Cancer Institute sa Northern Luzon, kundi mayroon na ring mga de-kalidad na pasilidad para sa mga serbisyong tulad ng Eye Center at Dermatology Center.

Aniya na ang mga kagamitan dito ay kapareho na rin ng nasa mga ospital sa Maynila, kaya hindi na kailangang bumiyahe pa roon ang mga pasyente.

Saklaw ng serbisyong ito hindi lamang ang lalawigan ng Pangasinan, kundi maging ang mga karatig-probinsya gaya ng Tarlac, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, La Union, at ilang bahagi ng Baguio City.

Matatandaan na kamakailan lamang ay nilagdaan ng Pangulo ang Republic Act No. 12203 para sa karagdagang bed capacity mula 600 hanggang 1500, kaya naman ang R1MC ay mas matutukan pa ang mga karagdagang pasyente sa mga susunod pang mga taon.