Dagupan City – Tungo sa mas magandang implementasyon ng mga proyekto, kung maaari ay maipatupad na sana ang 2025 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) noong Lunes.
Ito umano ang naging panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na wala na sanang mabago pa sa binalangkas na panukalang national budget para sa 2025.
Ayon sa pangulo, nasa 6.35 trillion pesos ang nakapaloob sa proposed budget para sa 2025, mas mataas ng 10.1% sa 5.768 trillion pesos ngayong 2024.
Kung saan ay kabilang aniya ang disaster resilience sa tututukan ng national budget para matiyak na magiging matatag sa anumang kalamidad ang bansa, kasama na rin ang healthcare, education, trabaho, agrikultura, industry at services.
Ngunit sa kabila nito, inamin naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tagpi-tagpi at patse-patse pa rin ang mga flood control projects sa bansa.
Matapos kasi ang joint hearing ng Senate Committees on Public Works at Environment, Natural Resources and Climate Change, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na ang mahigit 5,500 flood control projects na iniulat ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa kanyang huling SONA ay para sa immediate relief lamang.