Dumalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pormal na pagbubukas ng World Economic Forum (WEF) kung saan si Pangulong Alain Berset ng Switzerland, na nanunungkulan kamakailan sa ikalawang pagkakataon bilang Pangulo ng Swiss Confederation para sa 2023, ay nagbigay ng kanyang pambungad na talumpati sa Davos Congress Center sa Davos, Switzerland.
Ang pagdalo ng Chief Executive sa four-day forum ay sa imbitasyon ni Propesor Klaus Schwab, ang founder at executive Chairman ng WEF.
Nakilahok din ang pangulo sa isang diyalogo kung saan nakatakda niyang isulong ang makabuluhang pakinabang sa ekonomiya sa Pilipinas pati na rin ang pagsulong ng bansa bilang isang investment destination na handang umakma sa panrehiyon at pandaigdigang mga plano sa pagpapalawak ng parehong dayuhan at Pilipinas.
Kasabay ng pakikipagpulong ng pangulo,inimbitahan din ang mga Filipino executive sa isang tanghalian kasama ang economic team ng bansa bago ang opisyal na pagsisimula ng WEF.
Kaugnay nito, nagsimula ng magparehistro ang Filipino community na nasa naturang bansa upang makadalo sa oportunidad na ito.
Isa na diyan si Bombo International News Correspondent na si Marissa Jason Gabriel na siyang umaasang makapanayam ang Pangulo sa darating na Biyernes, Enero 20.
Excited umano siya sa nalalapit na event dahil presidente ang kaniyang makakaharap at bilang isang influencer ay inaasahan niyang makapagtanong man lang siya kahit isang beses sa Pangulo.
Samantala bago pa man umalis ng bansa ang Pangulo upang magtungo ng Switzerland ay nabanggit na ng Malakanyang na isa sa prayoridad nito ay ang pakikipagkita sa Filipino community.
Inaasahan nilang hindi lamang ang mga Pilipino mula sa Switzerland ang dadalo sa gagawing meet and greet kundi kasama na rin ang mga Filipino community sa karatig na bansa kabilang na ang Europa at Germany bagamat ayon kay Gabriel ay limitado lamang ang mga Pilipinong maaarin makapasok sa venue.
Ayon naman sa pinakahuling ulat mula sa palasyo, ang investment pitch ni Pangulong Marcos para sa Pilipinas ay nakatanggap ng positibong tugon mula sa ilan sa mga nangungunang CEO at investment expert na kaniyang nakaharap.