DAGUPAN CITY–Laking pasasalamat ng isang minaltratong overseas Filipino worker na taga Pangasinan na limang beses na papalit-palit ng amo sa loob ng 3 buwan sa Abu dhabi na siya ay tuluyan ng nakauwi dito sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jennifer Fonacier, 38 taong gulang mula sa Brgy. Dupac sa bayan ng Asingan , hindi naitago ang bakas ng kalungkutan sa kaniyang mukha dahil sa pang mamaltratong kaniyang dinanas mula sa limang amo na kaniyang pinagsilbihan sa ibang bansa.

Ayon kay Fonacier, minabuti nito na makipagsapalaran sa ibang bansa upang makatulong sa kaniyang asawa at mabigyan ng maginhawang buhay ang kaniyang pamilya ngunit sa kasamaang palad, pagmamalupit ang inabot nito.

--Ads--

Base sa kanyang kuwento, limang beses siyang nagpapalit-palit ng amo ngunit naging mailap sa kaniya ang kapalaran.

Sa unang amo nito ay hindi niya nakayanan ang sobrang pagtatrabaho, samantalang sa ikalawang amo ay nakaranas naman ito ng gutom at dagdag na kahirapan.

Sa loob ng 4 na araw, hindi ito pinakain ng kaniyang amo at nasa 3 oras lamang ang kaniyang tulog.

Nang mamasukan ito sa ikatlo niyang amo, dito na bumigay ng husto ang kaniyang katawan.

Dumating sa punto na siya na’y nagkasakit ngunit kahit pa ganito na ang kaniyang kalagayan, sinikap pa din niyang bumalik sa kanilang agency hanggang sa ikaapat na pagkakataon.

Matapos ang 25 araw sa ikaapat nitong amo, hindi pa din niya kinaya ang hirap at sa huling pagkakataon, sa ikalimang beses, dito na siya ibinenta ng kaniyang agency at pinabayaan na lamang basta-basta.

Ibinenta raw siya ng kanilang sekretarya sa ikalimang amo nito sa halagang 9K Dirham o katumbas ng 124, 608 pesos na sa bandang huli ay hindi din lamang niya ito natagalan dahil gusto ng kaniyang amo na bayaran nito ang pera na ibinayad sa kaniya, ibig sabihin 6 na buwan siyang hindi sasahuran dahilan naman upang siya’y tuluyang tumakas at nagpasaklolo sa embassy.

Jennifer Fonacier

Umuwi si Fonacier dito sa Pilipinas ng wala man lang maski singkong duling na dala.

Sa limang amo na kaniyang pinasukan, hindi na nito nabawi ang dapat sana’y sahod niya.

Sa tulong na din ng alkalde ng Asingan, maging ng ibang ahensya ay naaksyunan sa agarang panahon ang kaniyang suliranin.

Ngayon, sinisikap ni Fonacier na makabangon at makapag simulang muli dito sa ating bansa mula sa bangungot na kaniyang sinapit.

Jennifer Fonacier

Payo nito sa ating mga kababayan na nais ding mangibang bansa, tiyaking lehitimo ang kanilang papasukan upang hindi sila magaya sa kaniya na napabilang ang nabitag ng illegal recruitment.