Muling pinatunayan ng ultra-distance runner na si Romeo Quinsay mula sa Pangasinan ang kanyang tibay at determinasyon matapos niyang masungkit ang kampeonato sa isang 100-mile endurance challenge na ginanap sa lalawigan ng Bulacan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan ibinahagi ni Quinsay na makasaysayan ang naturang kompetisyon dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na isinagawa ang naturang endurance race sa Bulacan sa ilalim ng Endurance Challenge Philippines.

Aniya, matindi ang naging laban dahil sa 26 na kalahok, lima ay Hall of Famers at pito naman ay mga dating kampeon.

--Ads--

Hindi tulad ng karaniwang karera, ipinaliwanag ni Quinsay na ang 100-mile challenge ay hindi lamang pabilisan kundi patibayan ng pisikal at mental na lakas.

Ayon sa kanya, mahalaga ang tamang pacing at pag-iingat sa katawan upang maiwasan ang injury.

Sa gitna ng karera, kinaharap niya ang matinding hamon gaya ng matarik na uphill at downhill na bahagi sa Doña Remedios Trinidad, matinding init ng araw, at maging ang banta ng mga asong gala sa ruta.

Gayunpaman, nanatili siyang kalmado at consistent sa kanyang pacing hanggang sa unti-unti niyang naungusan ang ibang kalahok.

Bukod sa pisikal na pagsubok, binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mental na tibay.

Ibinahagi rin ng kampeon ang kanyang mahigpit na paghahanda, kabilang ang regular na pagsasanay sa bundok sa Rizal, kung saan umaabot sa 50 hanggang 60 kilometro ang kanyang tinatakbo kada session. Umaabot din sa 300 kilometro ang kanyang buwanang mileage upang mapanatili ang kondisyon ng kanyang katawan.

Dagdag pa rito, isinasaalang-alang din niya ang tamang nutrisyon at timbang upang maging komportable sa mahabang takbuhan.

Sa kasalukuyan, patuloy ang kanyang recovery at unti-unting pagbabalik sa training.

Inihayag din niya ang kanyang mga susunod na target na karera, kabilang ang 155-mile Baler to Manila run, Banahaw Loop, at maging ang Luzon Loop na aabot sa 1,500 kilometro.