DAGUPAN, CITY- “It feels like a dream.”
Ito ang nararamdaman ng Pangasinenseng si Juan Vicente Bangsoy matapos na hinirang na Mr. Tourism Ambassador Universe International 2022 na ginanap sa Kota Kinabalu, Malaysia.
Ayon kay Bangsoy, masaya at overwhelmed siya sa kanyang pagkakapanalo sa naturang pageant lalo na at malaking bagay ito para maipromote niya ang kanyang adbokasiya na “preservation of cultural heritage”.
Aniya, maliban pa rito malugod din niyang ibinahagi ang kanyang magandang karanasan at natutunan sa kanyang paglahok sa naturang pageant lalong-lalo na ang pagkilala sa iba pang kultura ng iba’t ibang mga bansa.
Nagpapasalamat din siya sa mga tao na nagbigay suporta sa kanyang paglahok sa Mr. Tourism Ambassador Universe International 2022 at pagsusumikapan nito na makatulong din sa kanyang mga kababayan lalo na sa kanyang bayan na Malasiqui.
Bukod pa rito, sa kabila ng kanyang pagkapanalo sa nabanggit na pageant hindi naman umano niya papabayaan ang kanyang pag-aaral.
Maliban sa pagkakasungkit ng titulo, nakuha rin ni Bangsoy ang Best Costume mula sa kanyang kasuotan na mala-palikpik ng isda na may regalia na blue and gold materials na sumisimbolo sa pagkapanalo at tagumpay ng mga Pilipino.