Pinag-aaralan ngayon ng Pangasinan State University (PSU) ang paggawa ng ethanol alcohol gamit ang extract mula sa nipa upang makatulong sa sapat na suplay ng 70% alcohol dito sa lalawigan ng Pangasinan lalo na sa panahon ng “new normal”.
Ito ay ayon na rin sa plano ng PSU Bioethanol RDE Team na i-convert ang asukal na meron ang nipa upang gawing alcohol.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Professor Francis Albert T. Argente, Director for Research and Development ng PSU, ipinaliwanag nito na galing sa katas ng nipa na siyang gagawing 70% ng alcohol at kung magiging matagumpay umano ito ay maari itong makapagbigay ng sapat na suplay nito lalo na sa probinsya.
Aniya, ang naturang pag-aaral ay mula na rin sa inisyatibo ng naturang unibersidad kasama ng pakikipapagtulungan nila sa National Bioenergy Research and Innovation Center na siyang nangangasiwa ng bioethanol facility sa barangay Pantal, sa bayan ng Bugallon kung saan inooperate ng mga bioethanol apparatus para makawa ng nasabing produkto.
Paglalahad pa nito, noong una ang layunin lamang naman umano ng kanilang grupo ay makagawa ng fuel grade ethanol na hinahalo sa gasolina ngunit dahil na rin sa pandemyang kinakaharap ng bansa ay napagpasyahan nilang magdevelop ng ethanol alcohol na pwedeng gawin namang disinfectant upang makatulong sa publiko.
Dagdag pa niya na nasa humigit kumulang 70 liters kada araw ang magagawa ng kanilang grupo kung sakaling maging matagumpay ang kanilang pananaliksik.