DAGUPAN CITY- Idinaos ng Pangasinan State University ang sabayang Symbolic Illumination Ceremony sa tema nitong Look Up, Rise Up – Lighting the Way to Recovery and Sustainability bilang bahagi ng pagdiriwang ng Silew-Silew 2025.
Pinangunahan ito ng mga Vice President ng iba’t ibang tanggapan ng unibersidad kasama ang University President na si Dr. Elbert M. Galas.
Naging makabuluhan ang programa dahil sa sabay-sabay na pag-iilaw ng Christmas tree ng siyam na campus ng PSU na nagbigay-diin sa pagkakaisa at pagbangon ng komunidad matapos ang mga kinaharap na hamon ng nagdaang taon.
Sinimulan ang programa sa main campus sa pamamagitan ng roll call ng mga kampus na nakibahagi sa pamamagitan ng video streaming, kabilang ang Binmaley, Bayambang, Infanta, Asingan, Urdaneta, at Sta. Maria.
Nagbigay ng mainit na pagbati si Dr. Jeanilyn Villanueva, Vice President for Administration and Finance Management, bilang panimula sa seremonya.
Kabilang sa mga tampok na bahagi ng selebrasyon ang sashing ng mga kandidato para sa Mr. and Ms. PSU mula sa siyam na campus.
Sinundan ito ng makukulay na pagtatanghal mula sa cultural performers ng unibersidad na nagbigay-sigla sa gabi ng pailaw.
Matapos ang seremonya, nagkaroon ng maliit na salu-salo para sa mga dumalo at itinuloy ang kasiyahan sa campus sa pamamagitan ng live band performance na nagsilbing aliw para sa mga estudyante at kawani.
Kasabay ng pag-iilaw, binigyang-diin ng pamunuan ang patuloy na katatagan ng komunidad ng PSU sa kabila ng pinsalang dulot ng nagdaang bagyo.
Itinampok ang pangkalahatang diwa ng pagbangon, pagtutulungan, at pagpapatuloy ng mga programang makatutulong sa pag-unlad at internasyonal na pagkilala ng unibersidad.
Pinuri rin ang patuloy na pagsisikap ng mga guro at kawani, lalo na sa maayos at matalinong pamamahala ng pondo na nagbigay-daan sa pag-angat ng Collective Negotiation Agreement Incentive para sa mga empleyado.
Tiniyak naman ng Public Safety Office, PNP, at BFP ang maayos at ligtas na daloy ng programa mula simula hanggang pagtatapos.
Nagpatuloy ang pagdiriwang sa loob ng campus kung saan namahagi ng libreng snacks para sa mga estudyante habang nagpapatugtog ang banda na lalong nagpasaya sa masiglang pagsisimula ng kapaskuhan sa buong Pangasinan State University system.
Ang sabayang pailaw ng PSU ngayong taon ay nagsilbing makabuluhang simbolo ng pag-asa, pagkakaisa, at patuloy na pag-unlad na patuloy na tinatahak ng unibersidad kasama ang buong komunidad nito.










