Dagupan City – Nagpapatuloy ang pagsuplay ng Salt Center sa Pangasinan ng Asin sa Philippine Coconut Authority na siyang pangunahing kailangan para sa programang pagpapadami ng produksyon ng niyog sa bansa.

Ipinaliwanag ni Nestor Batalla, Program Head ng Salt Center ng Pangasinan, na tuloy-tuloy ang kanilang operasyon sa pagbebenta ng asin para mas matulungan ang nasabing ahensya sa kanilang layunin na mapalago ang ekonomiya ng niyog sa tulong ng kanilang produksyon ng dekalidad na asin para sa agrikultura.

Ayon sa kanya, ang asin na kanilang ibinebenta ay inilaan bilang agricultural-grade salt, na pangunahing ginagamit ng mga coconut farmers.

--Ads--

Binanggit niya na ngayong taon, nakamit nila ang karagdagang allocation mula sa Region 1, Region 2, Cordillera Administrative Region (CAR) at Region 3.

Patuloy naman ang kanilang delivery ng asin dito sa lalawigan ng Pangasinan habang patuloy din ang pagbili ng ilang walk-in buyers, at iba pang customer na karamihan ay mga residente ng lalawigan.

Ipinaliwanag ni Batalla na ang kita mula sa asin ay umaabot sa Php 10 milyon kada taon, na nagmumula sa pangunahing kliyente nila tulad ng PCA, at iba pang mamimili sa loob at labas ng bansa.

Inaasahan nilang mas mapapalawak pa ang produksiyon sa pamamagitan ng planong pag-extend sa isang hektaryang lupain bawat taon, upang mas mapataas ang suplay at kalidad ng asin sa lalawigan.

Binigyang-diin naman niya na ang patuloy na suporta at expansion ng Salt Center ay hindi lamang makakatulong sa industriya ng asin kundi pati na rin sa mga magsasaka nito at mga komunidad na umaasa dito.

Sa pagpapanatili ng mataas na kalidad ng kanilang produkto, hangad nilang mapanatili ang katatagan ng industriya at mapalago pa ang ekonomiya ng lalawigan sa pamamagitan ng sustainable na produksiyon ng asin.