Pinag-aaralan na ngayong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan kung paano maipaparating ang tulong para sa mga kababayan nating biktima ng dalawang lindol sa isla ng Itbayat, Batanes.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Board Member Ajerico ‘Ming’ Rosario, napagkasunduan na sa ikatlong Sangguniang Panlalawigan Session ang pagbibigay ng tulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga nasalanta ng lindol sa Batanes bagay na ikinatuwa aniya ni Gov. Amado ‘Pogi” Espino III.
Subalit, pinaguusapan ngayong kung paano maipaparating ang kalahating milyong tulong ng Pangasinan dahil sa mga nakalipas aniya na pagbibigay ng tulong ng probinsya ay personal itong ipinapaabot bagay na malayo ngayong mangyari dahil narin sa lagay ng panahon kung saan hindi ligtas ang pagtungo sa Batanes.
Dagdag pa ni BM Rosario, sa ngayon, ikinokonsedera nila na ipaabot nalamang ang tulong ng probinsya sa Kamara.
Matatandaan na hiniling na ni House Majority Leader Martin Romualdez, sa Legislative Security Bureau ang paglalaan ng espasyo sa North at South Wing Lobby ng Kamara para magsilbing collection area ng mga donasyon, pera man o relief packs na ipaparating sa concerned agencies.
Para naman sa mga interesadong magbigay ng donasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Chief of Staff ni Batanes Representative Ciriaco Gato na si Attorney Rachel Derigay sa contact number na 09985548060. (MJKPO)